Ulan
Taksil din ang ulan.
Dati, tingin ko’y kakampi ko ito kapag may nakatakdang pagsusulit sa klase—sana’y umulan. Kung ubod ng init sa maghapon, at ramdam sa mababang bubong namin ang alinsangan—sana’y umulan. Para may dumating na libreng suplay at makatikim ng mami o miswa—sana’y umulan.
Pero taksil ang ulan.
Walang awa nitong nilubog ang mga libro naming magkakaklase. Nilunod ang mga pananim sa bukid at mga halaman sa bakanteng lote. Pahirapang bumiyahe, hindi makaabante—naging siklo na lamang ang bagyo, ang baha, ang pamumudmod ng pagkaing walang sustansya.
Taksil ang nakaupo.
Namudmod ng pangako, pero walang nagbago. Kaya’t hindi ko na kinahuhumalingan ang ulan. Ang bawat patak nito’y parusa sa masa. Sa mga umaasa sa kanilang paninda, sa mga nakikipagsapalaran hawak ang manibela, sa mga manggagawa, sa mga isang kahig isang tuka.
Kaya’t sana’y tumila na ang ulan, sapagkat hindi lahat, may kumportableng buhay at masisilungan. Marami sa’tin, nakikipagsapalaran lamang sa lansangan.

Comments
Post a Comment