Malayo pa, pero Malayo na

Talumpati ni Manilyn J. Ordoña


               Isang mapagpalang araw kapwa ko kamag-aral, Isang mapagpalang araw po sa ating mga panauhin, at Isang mapagpalang araw sa ating guro. Isang mapagpalang araw po sa inyong lahat!

               Ako si Manilyn J. Ordoña at narito sa inyong harapan upang ibahagi ang paksa ng isang talumpati na “Malayo pa, pero Malayo na”. Isang simpleng pahayag na puno ng inspirasyon, lalo na para sa ating mga kabataan na patuloy na nangangarap at nagsusumikap para sa ating magandang kinabukasan. Ano nga ba ang mga pangarap na tila napakalayo noon ngunit ngayon ay abot kamay na? Paano natin masasabi na malayo na ang ating narating sa kabila ng mga hamon at pagsubok na ating hinarap? At Ano ang mga pangunahing hadlang na kinaharap natin sa pag-abot ng ating mga pangarap, at paano natin ito nalampasan?

               Noong mga nakaraang taon hindi pa natin masyadong iniinda ang pagod sa karera ng buhay, ngunit habang tayo’y umeedad na ay mas nararamdaman na natin ang hapo sa ating mga katawan at isipan.Alam ko na ang bawat isa sa atin ay may kaniya-kaniyang pangarap sa buhay makapagtapos ng pag-aaral, magkaroon ng maginhawang buhay at matulungan ang ating pamilya. Tunay nga ang isang katagang “Mahirap ang mag-aral, pero mas nahihirapan ang nagpapaaral”, Sa bawat araw na dumadaan ay talaga namang nakakapagod at nakakaubos na pagkauwi sa bahay galing eskwelahan ay mas gusto na agad nating matulog imbes na gawin agad ang iba pang gawain sa paaralan ngunit masilayan lamang natin ang ngiti ng ating mga magulang ay nagsisilbing enerhiya sa atin upang magpatuloy.

               Malayo-layo na rin ang ating narating,sa katunayan hindi ko akalain na nasa ikalawang taon na pala tayo sa kolehiyo at malapit na tayong magsipagtapos. Akala ko kasi noon hanggang sekondarya lamang ako dahil mahirap lamang kami at sa usapang pinansiyal hindi talaga kakayanin pero tunay ngang may awa ang Diyos at bawat araw ay nairaraos. Kaya naman bilang anak gumawa ako ng paraan para kahit sa simpleng paraan ay makatulong, humanap ako ng trabaho para kahit papaano ay may maipangtustos.

               Malayo pa ang ating tatahakin. Marami pang hamon ang darating, marami pang pagsubok ang haharapin. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, alalahanin natin na malayo na rin ang ating narating. Mula sa mga simpleng pangarap ng kabataan, tayo ngayon ay mas malapit na sa ating mga mithiin.

                Huwag tayong panghinaan ng loob. Ang bawat araw na puno ng pagsusumikap at dedikasyon ay nagdadala sa atin ng isang hakbang papalapit sa ating pangarap. Ang mga pagkatalo at kabiguan ay bahagi ng ating pagkatuto at paglago. Sa bawat hakbang, tayo ay mas nagiging handa para sa mas malalaking hamon ng buhay.

                Mga kapwa kong mag-aaral, patuloy tayong mangarap at magsikap. Malayo pa ang ating tatahakin, pero malayo na rin ang ating narating. Ang ating mga pangarap ay abot-kamay na, at sa tulong ng ating pagsusumikap at pananampalataya sa Dakilang Lumikha, makakamtan natin ang mga ito.

                Maraming salamat po at magandang araw sa ating lahat!


Comments

Popular posts from this blog

Ang Ating Pambansang Identidad

Kontemporaryong Awitin sa Wikang Filipino