Paskong darating
Kung tatanungin ako kung paano ko ipagdiriwang ang Pasko.
Ang maisasagot ko lang, sa paraang payak.
Walang masyadong ganap—
Walang ingay, walang hinahanap.
Mauunawaan ko kahit walang makaalalang bumati mula sa mga kaibigan kong hindi ko na madalas makausap.
Ayos lang kahit wala mang regalong matanggap.
Hindi na bale kung sa hapag ay walang handang masarap—
Hindi na ako mapanghangad sapagkat sa taon na ito, dama ko ang hirap.
Ang mahalaga, nairaos ko’t nandito pa ako.
Kinaya ko ang mga pagsubok sa taon na ito, para sa mga pangarap ko.
Sapat na sa aking kasama ko sila—
Ang mga tao na sa akin ay sumusuporta at naniniwala mula umpisa.
Nais ko na lang na yakapin ang Pasko na puno ng pasasalamat.
Wala nang panunumbat sa mga sugat.
May pagpapatawad at pagtanggap—
May pagpaparaya.
Ipagdiriwang ko ang Pasko sa paraang payak.
Tahimik lang, walang masyadong ganap—
Walang hinahanap.

Comments
Post a Comment