Tahanan

 Tula ni Manilyn J. Ordoña


Mali sila, hindi siya ang ilaw ng tahanan.

Hindi siya bombilya na kapag pundido na ay papalitan.

Hindi siya ilaw na kailangan lang sa dilim—

Bagkus siya ang bukang-liwayway at takip-silim.


Hindi siya para lang sa gabi,

Na para makita ang halaga ay kailangan pang sumindi.

Hindi siya ang ingay na nakaririndi—

Sa halip siya ang pagkalmang nakaiintindi.


Mali sila, hindi siya ilaw ng tahanan.

Hindi siya ang gaserang nagliliyab.

Hindi siya ang dagitab—

Dahil siya ang pinakaunang mong tagasuporta upang mga pangarap mo'y matupad.


Siya ang isa sa mga halimbawa ng pag-ibig na walang kondisyon.

Siya ang araw-araw na nakaaalala kahit walang okasyon.

Siya ang hindi mang-iiwan sa kahit anumang sitwasyon—

Siya ang noon at ngayon.


Mali sila,

Hindi siya ang ilaw ng tahanan—

Dahil siya mismo ang tahanan.

Comments

Popular posts from this blog

Ang Ating Pambansang Identidad

Malayo pa, pero Malayo na

Kontemporaryong Awitin sa Wikang Filipino