Wikang Walang Hanggan

ni Manilyn J. Ordoña


Pagaspas ng hangi'y dumapo sa balat,

Tila ba'y nagbabadya na naman ng isang hudyat,

Mga mata'y ating idilat,

At sabay-sabay na pumadyak na animo'y kidlat.


Sa bawat titik ng wikang mahalaga,  

Kaluluwa'y lumalaya sa bawat kataga,  

Sa salitang may tibay, may lakas at ganda,  

Pusong nakakulong ay nagiging malaya.


Wika ng bayan— sagisag ng pag-asa,  

Sa bawat hibik ay may himig ng ligaya,  

Naglalakbay ang isip at diwa sa bawat salita,  

Damdaming nakagapos, ngayo'y malaya na.


Wikang sinilang sa layong dakila,  

Pinanday ng panahon, sa puso’y tinala,  

Tinig ng masa— sa hirap at ginhawa,  

Sa wikang mapagpalaya, lahat ay pantay-pantay na.

Comments

Popular posts from this blog

Ang Ating Pambansang Identidad

Malayo pa, pero Malayo na

Kontemporaryong Awitin sa Wikang Filipino