Hindi magpapatinag
Sanaysay ni Manilyn J. Ordoña
Ang College of Teacher Education ay nagdaos ng isang makabuluhang Team Building at Welcome Party sa Barber's Resort na nagsilbing tulay upang mas patibayin ang samahan ng mga guro at mag-aaral. Sa kabila ng masamang panahon, na may kasamang ulan at malakas na hangin, hindi natinag ang mga kalahok na ipagpatuloy ang masayang selebrasyon. Ang diwa ng pagkakaisa at saya ang nagbigay ng init sa ginawang aktibidad.
Nagsimula ang araw sa isang simpleng pagbati mula sa mga organizer. Ipinaliwanag nila ang kahalagahan ng pagkakaisa, na siyang pangunahing layunin ng nasabing team building. Pagkatapos nito, sinimulan na ang mga palaro na may layuning buuin ang pagtutulungan at pagkakaintindihan ng bawat isa. Matapos ang mga laro, oras na upang magrelaks at mag-enjoy sa pool. Hindi naging hadlang ang ulan sa kasiyahan—sa katunayan, lalo pa nitong binuhay ang saya ng mga nagsipag-swimming. Makikita ang mga ngiti sa bawat isa habang sila’y nagtatampisaw at nagpapalitan ng kwento sa tabi ng pool.
Sa gitna ng tawanan at masayng kwentuhan, sabay-sabay na kumain ang lahat ng masarap na pagkain na inihanda. Ang mga simpleng pagkain ay naghatid ng kasiyahan sa puso ng mga kalahok, lalo na’t ito’y kanilang pinagsaluhan na may kasamang tawanan at masiglang usapan. Naging simbolo ito ng bagong simula para sa mga bagong mag-aaral at mas matatag na ugnayan sa pagitan ng mga guro.
Sa kabila ng masamang panahon, natapos ang buong aktibidad nang may tagumpay. Ligtas na umuwi ang bawat isa, dala ang mga bagong alaala at mas malalim na pagkakaibigan. Ang team building na ito ay nagpatunay na walang bagyo o ulan ang makakapigil sa pagkakaisa ng College of Teacher Education—patunay na sa hirap o ginhawa, nananatiling buo ang samahan.
Comments
Post a Comment